Milyon-milyong Pilipino ang lubos na nagdurusa sa napakabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, at iba pang batayang bilihin at serbisyo. Mula nang maupo si Marcos Jr., wala pang malinaw at kongkretong plano at solusyon ang kanyang administrasyon sa nararanasan na hirap at bumibilis na pagdausdos ng kabuhayan ng mga Pilipino.
Habang kinakaharap pa rin natin ang krisis na dulot ng pandemya, lalong tumitindi ang kagutuman, kawalang trabaho at kabuhayan, kawalang ayuda, at pang-aabuso ng mga pulis at militar. Dahil dito, lalong nagiging mahalaga ang paniningil sa mga namumuno.
Bitbit ng Adyenda ng Maralita ang pinagkaisang tinig ng maralitang lungsod sa buong bansa. Sinusulong nito ang panawagan at mga kagyat na pangangailangan ng maralitang lungsod sa gitna ng tumitinding krisis. Panawagan ito sa lahat ng mga grupo, personahe at mga lider ng bansa na maging kaisa para sa karapatan at kapakanan ng mahihirap.
Kailangang ayusin ng pamahalaan ang mga prayoridad nito. Kailangang palawigin ang mga proteksyong panlipunan para matulungan ang mga pamilyang pinakanangangailangan. Ang Agenda ng Maralita ay isa lamang sa mga pangunahing hakbang para paunlarin ang pambansang ekonomiya at protektahan ang mga karapatan ng mga maralitang lungsod. Maisusulong natin ito sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at masikhay na pagpapalawak at pagpapatibay sa mga samahan at organisasyong masa.